BALITA



3-IN-1 SA DECEMBER 6



TATLONG PANGYAYARI, ISANG PAGDIRIWANG! Iyan ang ipinahayag ngayon ng pamunuan ng MHPHS Class 68 sa nalalapit na
pagtatapos ng santaong selebrasyon ng Ruby Jubilee. Gagawin ang malaking kasayahan sa Club Royale sa Malolos (sa MacArthur
Highway) mula alas 6 hanggang alas 12 ng gabi, sa Sabado, Disyembre 6, 2008.

Unang pangyayari: ang paglulunsad sa Rekwerdo Marcelo: Sa Gunita ng MHPHS Class 68. Isa itong 216-pahinang libro—hindi souvenir
program—na magtatala ng naging kasaysayan ng klase mula 1964 (unang taon sa Marcelo) hanggang sa taong ito ng Ruby Jubilee.
Bukod sa mga alaala ng mga kasapi ng klase, taglay nito ang maraming makasaysayang larawan, luma at bago, ng masasayang araw
noong nasa hayskul pa hanggang sa bawat madamdaming reunion noong 1993, 1998, 2003, at 2008.

Ikalawa, ang paglilipat ng pamunuan mula sa panguluhan ng kasalukuyang pangulo, Glecy Roque Bagasin, patungo sa papasok na
panguluhan ni Luming de Jesus Catap. Bukod kay Luming, manunumpa ang iba pang bagong opisyal na manunungkulan mula 2009
hanggang 2013: Milo Jacinto, pangalawang-pangulo; Irene Mercado Bamba, kalihim-ingatyaman; Meynard Lizaso, PRO, at Glecy Roque Bagasin,
ex-officio (posisyon para sa nanungkulang pangulo).

At ikatlo, ang taunang Christmas Party ng klase na may motif na kulay-Pasko (siyempre). Lahat ng dadalo ay inaasahang magsusuot ng
anumang kulay ng Kapaskuhan: berde at pula. Maisasama rin ng mga kaklase ang kani-kanilang asawa kung nanaisin (may nagbiro:
may pasubali na hanggang isa lamang ang puwedeng isama).

Inaasahang mahihigitan pa nitong 3-in-1 Christmas Party ang bilang ng dumalo sa ginawang reunion noong Abril, lalo na't sasabayan ito
ng ayon ng pangungumbida ni Mayor Danny Domingo na Hermano Mayor ngayon sa pistang bayan ng Malolos sa Disyembre 8.

MUNGKAHING KASUOTAN: Anumang damit na kulay berde o pula o berde at pula, mga kulay ng Kapaskuhan!

PROGRAMA
6:00 -12:00 n.g.
Club Royale
Lungsod ng Malolos

Pambungad na Bati
Glecy Roque-Bagasin
2003-2008

Pagbibigay ng mga unang kopya
Rekwerdo Marcelo

Pagpapakilala ng Bagong Pamunuan
at Panunumpa sa Tungkulin

Pananalita ng Bagong Pangulo
Iluminada de Jesus Catap
2009-2013

Ang HILOM at ang Class 68
Danilo A. Domingo
Punong-lungsod ng Malolos

KAINAN! SAYAWAN! KANTAHAN!

Milo Jacinto
Tess Manalo Ramos
Mga Guro ng Palatuntunan